Iyong mga Mata

Kay sarap titigan

Nakakabighaning pakinggan

Ang mga mensaheng nilalaman

Ng iyong mga matang madalas mong ipikit sa katotohanan

Pigilan mo mang pilit

Itago mo man lahat ng sakit

Sa puso’t isipan ko’y di mawawaglit

Ang mga nakasalaming tuwa, hiya, lungkot at galit

Sa kanila, mukha mo ay kay saya

Binubulag at binibingi mo sila sa iyong mga tawa

Nilulunod mo sila, pati na iyong sarili sa mga kwentong masaya

At sa sobrang galing mong magtago, lahat sila iyong napaniwala

Lahat sila, pero hindi ako

Na sa gitna ng iyong pagtawa, mga mata mo’y lalabo

Sa pagpigil sa mga luha mong pagod na rin sa pagtulo

Na ang bawat biro ay senyales na madalas ay gusto mo na ring sumuko

Ang halakhak, pati palakpak, sumisimbolo ng bawat mong pagkakabigo

At habang lahat sila magiliw na nakikisayaw sa iyong tawa

Naroon ako sa sulok, nagmamasid, at aking nakikita

Na ang iyong mga mata

Isinisigaw nito ang mga salitang pagod ka nang bigkasin pa

Tama na, ayoko na

Tama na, ayoko na

Tama na, ayoko na.

Advertisements

Pangalan Mo

Isinulat ni Kezia Jiao

 

Pangalan mo, kasing banayag ng relihiyon ko

May kislap sa mga mata ko tuwing nakikita ko ang pangalan mo

pero katulad ng pangalan mo may nagmamay-ari nito

 

 

hindi sa akin kundi sa kanya

wala naman akong paki-alam kung sa kanya ka

pero sa tuwing nakikita ko ang pangalan mo

tila parang litratong nagbibigay alaala sa mga sandaling magkasama tayo

 

 

Alam ko sa bawat mensaheng natatanggap ko galing sa’yo

walang kislap walang kinang ang mga sagot mo

hindi katulad ng pagtingin ko sa bawat letra ng pangalan mo

 

 

Sa tuwing nakikita ko ang pangalan mo lumilitaw sa listahan ng mga mensahe ko

may pintig, may bilis sa tibok ng puso ko hindi mawari hindi maintindihan

pero alam ko sa sarili ko na hangang pangalan lang ako

 

 

pangalan mo hangang dun na lang talaga siguro

ayokong umasa dahil alam ko masasaktan lang ako

dito na lang ako sa reyalidad na kung saan ang pangalan mo

ay parang anino ng aking kahapon.

 

Hindi Ako Manunumbat

hindi ako manunumbat…

 

pero ipapaalala ko sa ‘yo

na sa ating dalawa

ikaw ang bumitaw

ikaw ang lumayo

ikaw ang naghanap ng iba

 

samantalang ako

nanatiling nakakapit

nakaabang, nakamasid

naghihintay

doon sa kung saan mo ako iniwan

 

naghintay

sa paliwanag mo

sa paghingi mo ng tawad

sa iyong pagpapalaya

sapagkat iniwan mo akong nakagapos

sa iyong mga alaala at pangako

 

hindi ako manunumbat

 

pero ipapaalala ko sa ‘yo

na nakiusap ako

na bumalik ka

bawiin ang ‘yong mga pangako

pakawalan sa pagkakagapos

upang katulad mo

maging masaya na rin ako

 

pero hindi ka bumalik

hindi ka lumingon

pero nagawa ko rin

ang tumigil maghintay

at unti- unti

nagawa kong makalaya

 

hindi ako nanunumbat

 

ipinapaalala ko lang sayo

kung ano ang nangyari

at

itatanong ko na rin…

 

bakit ngayon

ika’y bumabalik?

 

Ang Di Ko Paglimot

Lamig ay nanunuot

Pakiusap, dagdagan yaring kumot

Takpan itong mga pasa

Na ikaw at ako lang ang nakakakita

Isa pang kumot pwede ba?

Lulunurin ko ang sarili sa tela

Hanggang ang lamig ay mawala

At tuluyang maitago itong mga pasa

Ulan, tumigil ka na

Langit awat na sa pagluha

Ulan sa iyong lamig ako’y nanghihina

Langit, bawat patak niyan katumbas ay masakit na ala- ala

Ang gabing ito ay maggiging mahaba

At magdamag na naman akong luluha

Kasabay ng lamig nanunuot

Ang pagluha ay senyales ng di ko paglimot

Salamat, Ina

di tulad nila

tayo’y malayo sa isa’t- isa

ngunit ang pagmamahal ba

ay nasusukat ng distansiya?

 

ang araw na to ay para sa’yo

para sa ‘yong mga sakripisyo

sa mga oras na di mo kami binigo

at inuna kami bago ang sarili mo

 

kaya salamat sa lahat ng paalala

salamat sa pag- aalala

sa mga matatamis mong salita

SALAMAT SA ‘YO INA.

 

photo credit

Pamana ni Itay [Repost]

Mabigat niyang paghinga’y
sa gabi maririnig
Waring may humahabol
kung magsalita’y walang himig
Si Nanay ay hahangos
pagbaba ay matulin
Hikbi niya at sigaw na kahit mahirap
pilit pipigilin.

Blangko niyang mukha
sa akin sasalubong
Sa pagkakita sa akin
kanyang ibubulong
“Matulog ka na at magpahinga
susunod na si Kuya
Bawal kang mahuli sa paaralan
gigising tayo ng maaga”.

Pilit kong ipipikit
mga matang pagod
Ngunit sa aking pagtulog
nakakatakot na eksena’y susugod
Kutsilyong may dugong tumutulo
pag- uwi ni Kuya ay bitbit
Eksenang dating nakikita kay Itay
kay kuya ay nauulit.

Paalam

Paalam sa lahat ng pagkabigo

na nadama ko

noong mga panahong

di mo natutupad ang iyong

mga pangako

 

Paalam sa lahat ng luha

na iniyak ko

sa tuwing may mga bagay

na di tayo magkasundo

at nauuwi sa pagtatalo

 

Paalam sa mga bagay

na kinasanayan kong gawin

kasama ka

ang magpuyat at mag- usap

tungkol sa mga bagay na may kwenta

at madalas walang kwenta

tulad ng:

sino sa atin ang mas nagmamahal kanino

o

sino ang unang magbababa ng telepono

 

Paalam na rin sa mga pangarap

na binuo ko kasama ka

sa kinabukasan sana

nating dalawa

 

 

Paalam sa mga alaala

nating dalawa

 

Paalam sa lahat ng ito

ngunit hindi sa iyo

sapagka’t di man natin nabuo

ang mga pangarap na tayo

mananatili akong nasa tabi mo

kaya paalam sa lahat

ng mga bagay na may kaugnayan sa iyo

 

Ngunit hinding hindi ako

magpapaalam sa iyo…