Iyong mga Mata

Kay sarap titigan

Nakakabighaning pakinggan

Ang mga mensaheng nilalaman

Ng iyong mga matang madalas mong ipikit sa katotohanan

Pigilan mo mang pilit

Itago mo man lahat ng sakit

Sa puso’t isipan ko’y di mawawaglit

Ang mga nakalasaming tuwa, hiya, lungkot at galit

Sa kanila, mukha mo ay kay saya

Binubulag at binibingi mo sila sa iyong mga tawa

Nilulunod mo sila, pati na iyong sarili sa mga kwentong masaya

At sa sobrang galing mong magtago, lahat sila iyong napaniwala

Lahat sila, pero hindi ako

Na sa gitna ng iyong pagtawa, mga mata mo’y lalabo

Sa pagpigil sa mga luha mong pagod na rin sa pagtulo

Na ang bawat biro ay senyales na madalas ay gusto mo na ring sumuko

Ang halakhak, pati palakpak, sumisimbolo ng bawat mong pagkakabigo

At habang lahat sila magiliw na nakikisayaw sa iyong tawa

Naroon ako sa sulok, nagmamasid, at aking nakikita

Na ang iyong mga mata

Isinisigaw nito ang mga salitang pagod ka nang bigkasin pa

Tama na, ayoko na

Tama na, ayoko na

Tama na, ayoko na.

Advertisements

Filipino, Tagalog… WHAT?!

sa panahong “raw” at “daw”
pinagkaiba’y di alam
at mga tanong tulad ng
“what’s tuliro?” o di naman kaya’y
“what’s talinhaga?”
ang madalas na marinig…

buwan ng wika
dapat nga bang ipagdiwang?

born and bred in the Philippines
we claim
but we do not even know the difference
between Filipino and Tagalog

matalinhaga oo nga!
ako’y natutuliro!

Para kay J

mula sa iyong simpleng ngiti

hanggang sa iyong pagluha

pagbuka ng iyong mga labi

o bawat pagsambit ng salita

kinabisado lahat ng iyong galaw

bawat salita mo’y nasa isipan

sa iyong atensiyon ako ay uhaw

kahit konting oras, ako nama’y pagtuunan

taon akong nangarap, nagdasal naghintay,

paminsan- minsang nagdamdam

ngunit mukhang matagal pang maghihintay

makuha lang ang atensiyon mong inaasam

pagsuko sayo’y di gagawin

maghihintay hanggang iyong madama

damdamin kong di mo napapansin

balang araw iyo ding makikita