Pangalan Mo

Isinulat ni Kezia Jiao

 

Pangalan mo, kasing banayag ng relihiyon ko

May kislap sa mga mata ko tuwing nakikita ko ang pangalan mo

pero katulad ng pangalan mo may nagmamay-ari nito

 

 

hindi sa akin kundi sa kanya

wala naman akong paki-alam kung sa kanya ka

pero sa tuwing nakikita ko ang pangalan mo

tila parang litratong nagbibigay alaala sa mga sandaling magkasama tayo

 

 

Alam ko sa bawat mensaheng natatanggap ko galing sa’yo

walang kislap walang kinang ang mga sagot mo

hindi katulad ng pagtingin ko sa bawat letra ng pangalan mo

 

 

Sa tuwing nakikita ko ang pangalan mo lumilitaw sa listahan ng mga mensahe ko

may pintig, may bilis sa tibok ng puso ko hindi mawari hindi maintindihan

pero alam ko sa sarili ko na hangang pangalan lang ako

 

 

pangalan mo hangang dun na lang talaga siguro

ayokong umasa dahil alam ko masasaktan lang ako

dito na lang ako sa reyalidad na kung saan ang pangalan mo

ay parang anino ng aking kahapon.