Mahal Kita Kaya Papakawalan na Kita

Mahal kita kaya papakawalan na kita. Mahal kita kaya hahayaan kong maging masaya ka. 

Mahal kita, minamahal kita, at alam kong sa hinaharap mamahalin pa rin kita. 

Mahal kita, katulad ng kung paano ko hinahanap ang kape sa umaga. Na parang ang hirap harapin ng araw kapag wala ka. Na parang hindi matatapos ang araw kapag wala ka. Na katulad ng kape, hahanapin kita tuwing ako’y nilalamig. Hahanapin kita kapag kailangan ko ng lakas para bumangon sa umaga. Mahal kita katulad ng kung paano ako napapasaya ng buwan sa gabi. Na kahit anong hirap ng buong araw, nandiyan ka pa rin sa aking tabi, handang buuin ang araw ko. Nandiyan ka para ipaalala na palaging mayroong pag-asa. Andiyan para sabihin na may naghihintay para sa akin. Andiyan ka para ipaalala na saan mang dako ng mundo, nandun ka, nangangarap sa parehong buwan ng tinititigan ko.

Minamahal kita katulad ng kung paanong kailangan ng linya ang kanta. Minamahal kita sa kung paanong hindi mabubuo ang kanta ng walang salita. Sa kung paanong walang saysay ang bawat nota, ang kahit anong musika, kung wala ka. Minamahal kita katulad ng kung paanong hindi makakalipad ang ibon ng walang pakpak. Na upang upang maging malaya at masaya, kailangan kita. Na upang maabot ang mga pangarap, kaagapay ka. Na kung paano makakapunta sa kawalan ng may kasiguruhan, kailangan kita. Na kung paanong makakabalik sa oras ng labis na pagsisi, kasama pa rin kita. 

At mamahalin pa rin kita. Mamahalin kita hanggat may naamoy akong kape sa umaga. Mamahalin kita hanggang may buwan akong nakikita. Mamahalin kita hanggang may musikang tumutugtog, hanggang may ibong lumilipad. Hanggang buhay ang bawat tula na inialay ko sayo, habang alam kong ang bawat paggising ko ay alay ko sayo… mamahalin pa rin kita. At oo, mamahalin pa rin kita kahit mas pinili mong lumayo dahil masyadong mapait ang dulot ng presensya ko sayo. Dahil ang buwan ay parusa sa paningin mo. Dahil ang musika ay lason sa tenga mo, at inggit ang dulot ng ibon para sayo. 

Kahit hindi ko maintindihan kung paanong kahit anong kasing tamis ng kape ang ngiti ko sayo, gayong pait naman ang ganti mo. Na tuwing sinasabi ko sayo kung anong saya ko sa pagtingala sa buwan, sobra naman ang lungkot mo. At bawat musikang pinapakinggan ko, hinagpis ang nakikita ko sa mga mata mo. At inggit, dahil sabi mo, ang mga ibon ay malaya, samantalang ikaw, nakakulong sa hawla ng mga tula ko. Mahal pa rin kita. Kaya heto, papalayain kita. Papakawalan kita. Dahil alam kong saka ka lamang sasaya. At pangako, hinding hindi na kita alalalahanin sa bawat tula na aking isusulat. Dahil titigil na ako, dahil alam kong sa bawat letra na isusulat ko, ikaw pa rin ang maaalala at laman ng mga ito. At alam kong masasaktan na naman kita, kaya heto… papakawalan kita dahil mahal na mahal kita.

Advertisements

3 Comments

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s